30 October 2007

Ningas


Nung bata pa tayo madalas tayo maglaro dito sa sementeryo. Palibhasa, walking distance lang. Yun yung naging playground natin lalo pa't may burol doon kung saan ang dami laging nag-shoo-shooting. Hindi naman kasi tayo matatakutin eh, sabay pa nga tayong nanonood ng Halloween special ng Magandang Gabi Bayan. At sabay rin nating inookray ang mga multo kuno na parang sinabuyan lang naman ng isang bote ng ketchup. Tapos tuwang-tuwa tayo kapag piyesta ng patay, tulad ngayon, kasi ang daming nagbebenta ng pagkain. Eh yun naman ang kaligayahan natin, kumain. Naalala mo pa ba yun?

Nung teenagers na tayo, dito mo ako tinuruan mag-practice driving. Makailang beses pa nga tayo nahuli ng guwardiya dahil sa dalas kong namamatayan ng makina. Paano ba naman hindi pa yata uso yung power steering noon. Tapos doon oh, sa may punong yun, muntik na akong bumangga kasi hindi yung brake yung natapakan ko, yung accelerator pala. Sobrang kinabahan ako noon, at lalo ka na kasi itinakas mo lang naman yung kotse niyo. Siguradong patay ka sa tatay mo kung naibangga ko yung kotse niyo at pihadong tatalupan ako ng buhay ng nanay ko sa laki ng babayaran naman sa pagpapaayos nun.

Kapag may problema ako, dito tayo naglalakad-lakad at nagmumuni-muni. Minsan kapag undas, nagmamasid lang tayo, pinapanood ang mga taong binibisita ang mga mahal nila sa buhay na namayapa na. At sa pinakahindi inaasahang pagkakataon, bigla mo na lang nasabi na mahal mo na ako. Gaano naman ka-romantic yun? Pero unique ha, nag-propose ka dito sa sementeryo.

Kaya lang bigla mo na lang akong iniwan. Alam mo ba kung gaano kasakit yun? At hanggang ngayon hindi pa rin kita mapakawalan. Hindi ko nga alam bakit pa kita kinakausap matapos ang lahat ng nangyari.

Ubos na pala yung kandilang itinirik ko. Hindi ko na namalayan yung oras. Bukas babalik uli ako, dadalawin uli kita.

*****
Naisip ko lang bigla isulat kasi malapit na ang undas. At malapit ang bahay ko sa sementeryo. Hehe...
Free Signature Generator

03 October 2007

Ulan



"Miss pwedeng makisukob? Kahit hanggang sa shed lang sa tawid."

Yun ang mga unang salitang binitawan mo sa'kin. Simula na noon ng tag-ulan. Ayaw pa nga kitang pasukubin noon, malay ko ba kung holdaper ka o rapist na naka-long sleeves. Pero parang nabasa mo ang iniisip ko.

"Huwag kang mag-alala hindi ako holdaper. Mahirap tumakbo ng naka-leather shoes sa ulan."

Doon na nagsimula lahat. Sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan, lagi ka na lang sumusulpot ng ganoong oras, araw-araw. Naisipan mo na rin namang bumili ng payong, pero parang nakasanayan mo ng lapitan ako at sabayan ako maglakad sa walkway ng Paseo hanggang Glorietta. Kaya nang lumaon, nakasanayan ko na rin siya.

Natuto na tayong lumevel-up at mag-coffee. Eventually mag-dinner habang pinapahupa ang masang sumasakay ng MRT. Mauuna kang bumaba sa may GMA-Kamuning at ako naman sa North pa.

Hanggang dumating sa araw na hindi ko na alam kung bakit nga ba tayo sabay naglalakad? O nagkakape? O sabay natutuwa kapag maraming bumababa sa Cubao station?

Ano nga ba ang dahilan nung sinabi mo na sa tingin mo gusto mo na ako?

At ano nga ba ang dahilan kung bakit matapos noon ay hindi na kita nakita?

Siguro dahil tapos na ang tag-ulan. Hindi mo na kailangan ng sisilungan.

*****
Fiction ito, never akong magpapasukob ng hindi ko kilala sa payong ko. Naisip ko lang isulat dahil may nanggugulo na naman sa buhay ko.

Ano ba talaga ang gusto mong mangyari? Ayos na ako eh, nasanay na akong hindi ka nakakausap at nakikita pero bakit ba kailangan mo na namang buhayin ang sarili mo? Para kang kabuteng sumusulpot kapag tag-ulan at nawawala kasabay ng pagtapos nito.


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
There was an error in this gadget